Martes, Hunyo 18, 2013

Basketbol: Ang Simula

Naghuhugas ako ng mga pinagkainan namin ng aking ina, nang binuksan niya ang TV. Malakas ang hiyawan at sigawan ang narinig ko sa sala. Nagmadali ako pumunta roon para makita kung ano ang pinanonood ni Inay. Finals pala ng basketball sa NBA. Bumalik ako sa kusina upang ituloy na ang pagligpit sa pinagkainan. Kahit lalaki ako, hindi ako mahilig sa basketball, hindi naman ako ganoon kapayat at kaliit. Hindi ko lang talaga nagugustuhan ang laro at sa sarili kong palagay, nagkakasakitan lang sila at marumi maglaro ang ibang iniidolo ng kabataan dito sa aming barangay. Parang hindi sila dapat tawaging "idol", dahil wala naman akong nakikitang ginagawa nilang kabilib-bilib at nakakapagbago ng mga buhay ng mga tambay dito sa amin.

Natapos ko na hugasan ang mga pinggan, baso, kutsara't tinidor. Dahil may katamaran ako, pumasok na ako sa aking kwarto upang matulog. Ganito ang gawain ko tuwing Sabado at Linggo, hindi ako naglalaro sa labas noong bata pa ako. Wala naman akong kaaway, tamad lang talaga ako. Kahit lagi ako pinipilit ni Inay lumabas at makipaglaro sa aming mga kapitbahay, hindi pa rin ako sumusunod. Siguro dahil nangungulila ako sa pagmamahal ng aking ama. Sabi ni Inay, iniwan niya raw kami nung nasa sinapupunan palang ako. Siguro hindi ako nasanay maglaro sa labas, dahil simula palang noon, kahit sa loob ng bahay wala na akong tatay na siyang makikipaglaro sa akin at kakargahin ako bilang nag-iisang lalaking anak sa buhay niya.

Patulog na ako, biglang sumigaw ang Inay sa likod bahay. Tumakbo ako ng mabilis upang makita si Inay dahil akala ko may masamang nangyari sa kanya. "Walang hiya ka Berto! Kinain mo na nga ang aking mga pananim dito sa aking bakuran, ang lakas mo pang tumae!" sigaw ni Inay sa aming asong walang kasing kulit at walang kasing lakas tumae. Akala ko kung ano ng nangyari kay Inay, si Berto lang pala. Hinanap ni Inay ang aming walis at ang kanyang pandilig. Hindi niya ito mahanap kaya tumulong na ako sa paghahanap. Nakakapagtaka nilalagay lang namin iyon sa pintuan patungo sa bakuran ngunit wala ito roon. At pagkatapos ng ilang minutong paghahanap, nakita na namin ang pandilig at ang walis ting-ting! Sira-sira at wasak na wasak, kitang-kita ang mga butas sa pandilig, at alam naming si Berto ang sumira noon dahil nakalimutan nga pala namin siyang pakainin kagabi. Dahil doon, inutusan ako ni Inay bumili ng bagong pandilig at walis sa palengke. "Hoy Jun-Jun! Isang daang piso itong ibibigay ko saiyo, kasya na iyan, at kung may sukli... sige sayo nalang iyon". Hindi ako gastador, pero kapag sa akin nalang ang sukli binibili ko agad ito ng paborito kong tsitsirya sa tindihan ni Aling Puring.

Tamad ako, pero kahit kailan hindi ako sumuway sa mga utos ni Inay. Dahil siya lang ang kasama ko at alam kong hindi niya ako iiwan kahit anong mangyari sa akin. Mahilig lang talaga ako matulog. Malayo-layo ang palengke mula sa barangay namin. At ang mga tindahan malapit sa amin, halos wala ng mga paninda. Kung meron man, ang mga laman lang nito madalas ay alak, sigarilyo, kendi at iba't-ibang tsitsirya. Malapit na ako sa palengke ng biglang may tumama sa likod ko. Masakit ito at nahilo ako bigla. May mga sumigaw na bata, naririnig ko sila ngunit hindi ko maintindihan ang kaniang mga sinasabi. Bigla na lang akong bumagsak.

Itutuloy...