Linggo, Disyembre 16, 2012

Buhay Kolehiyo



Parang kailan lang talaga, naglalaro sa kalye at walang takot marumihan ang damit. Pumasok sa paaralan sa Cubao upang mag-aral at mag-saya. At ngayon, ang lalaking taga-lungsod ay naglakas loob makipagsapalaran, masyadong malalim "mag-aral" na lang, sa probinsya. Hindi naman ganon kalayo sa Maynila, pero may kalayuan pa rin kahit papaano.


Noong unang linggo ko rito sa aking pinapasukang eskwelahan, marami na agad akong mga nalaman at kinatakutan. Nalamang ang buhay kolehiyo ay masaya nga ngunit napakaraming pagdaraanan na kalungkutan at kahirapan. Kinatakutan ang mga usap-usapan at mga kwentong kababalaghan dito sa aking paaralan. Akala ko madali lang talaga ang mamuhay bilang mag-aaral kapag ika'y nasa kolehiyo na. Puro pagpapakilala, laro, aktibidad at kung anu-ano pang gimik lang ang ginawa namin sa bawat klaseng aking napasukan. Kaya noong unang linggo wala pa akong pinagdaanang hirap at literal na puro sarap lang. Akala ko ang kasiyahang iyon ay magtatagal at mananatili hanggang ako ay makaalis at makagradweyt na sa unibersidad. Pagkatapos ng unang linggo ko sa paaralan, dito ako nagulat ng husto, biglang nagturo na ang mga propesor sa mga large class at sa mga recit din. Hindi ko kinaya at hindi na ako sanay mabigyan at gumawa ng mga assignments. Nasanay ako nung ako ay hayskul, walang assignments kaya walang iniintindi pag-uwi.  Pagkalipas ng ilang buwan, marami ng exam. Mayroon akong mga pinasa, at mayroon din na ibinagsak, akala ko nga noon ay hindi na ako makakapagtapos dahil sa hirap ng mga pinagdaraanan ko. Ngunit ako'y mali, umpisa pa lamang ito, at marami pang mas mahihirap na pagsubok ang aking haharapin at hindi ako susuko, dahil hindi pa nagsisimula ang tunay na laban.

Natapos ko naman ang unang sem ko rito. Walang bagsak at wala akong ni-drop. Hindi man ganon kataas ang mga grades na nakuha, masaya naman ako dahil marami talaga akong natutunan, at alam kong mas marami pa akong matututunan at malalaman sa aking paglalakbay dito sa Elbi.

                             

Huwebes, Disyembre 13, 2012

Ang Pagbabalik

Bakit andyan ka na naman?
Bakit ikaw ay nagbabalik?
akala ko ikaw ay aking nakalimutan
pero nandito ka, nakasasabik

Maganda ba ang ating pinagsamahan
di ko alam kung ikaw ay nasiyahan
sa mga nangyari noon
at sa kinalabasan, ngayon

Ginawa ko naman ang makakaya
pero sobrang hirap mo makuha
ginusto ko lang naman makapasa
upang malagpasan ko man lang sila

Hindi pala madaling makalimot
ang pusong maraming pinagdaanan
kahit ito ay takot na takot
walang magagawa, ika'y kailangan

Natural lang pala ang nararamdaman
kahit 'la naman tayong mabuting pinagsamahan
hindi ako pumasa noon
kaya takot na takot parin ako ngayon

Ginawan ko lang ng tula ang nararamdaman ko
ngayong exam week na naman..

Linggo, Disyembre 9, 2012

Clash of the Titans

Ang ganda ng pamagat ng post ko no? Dahil malapit na ang inaabangan ng mga bigating tao rito sa ating bansa, at kahit hindi ka pa kasali sa kaganapang ito, alam kong kilala mo ang mga kalahok sa tunggalian sa 2013.

Eleksyon! Pipili na naman muli ang mga kababayan natin ng mga bagong pinuno. Pinuno na gwapo, pinuno na maganda, pinuno na mayaman, pinuno na sikat, eh pinuno na matalino meron pa ba? Oo, meron pa! Syempre, magsusulputan na naman ang mga commercial nila sa channel 2 at 7. Magsasawa muli sa mga pagmumukha nila na nakadikit sa poste at sa pader, na inihian ng mga taong di makapagpigil at mga asong walang amo.

Sana walang maganap na karahasan, sana. Sana ang mga papalit sa pwesto, ay makatulong sa pagkakaroon ng pagbabago, at hindi gagamitin ang bulsa sa pagtatago (ng alam niyo na). Ang tanong, nakasalalay nga ba talaga sa mga kamay ng mamamayang Pilipino ang kinabukasan ng ating bayan at tayo ang may kapangyarihan? Basta maghanda nalang sa "Sagupaan sa Pamahalaan 2013" o Clash of the Titans!


Kaibigan lang pala

Mayroon akong mga kaibigan
puno sila ng kagwapuhan
at magaling sa kalokohan
hindi ko sila malilimutan

Mayroong piling gwapo, kapal ng mukha
ang sarap isawsaw ang mukha, sa suka
pero siya ay mapagmahal sa kapwa
kaya sa kaniya di ka magsasawa

Mayroong magaling gumuhit
sa tabi niya lahat kami nagiging pangit
dahil siya ang pinakagwapo sa grupo
bawat babae kikiligin sa kaibigan kong to

Mayroong sa omegle malupit
kaya kumuha ng friend in a minute
sa amin siya ang tunay na lalake
mapagmahal sa kaniyang babae

Mayroong malupit sa computer
pero hindi nagdadala ng paper
sa amin siya ang pinakasweet
banat niya'y magbibigay ngiting abot langit

Mga overnight na hindi planado
ang isa sa mga laging gawain ng grupo
ayaw na sana mag-uwian at umalis
kaso ang amoy ng brief hindi na matiis

Kami nga pala ang No Direction
andaming plano, pero walang aksyon
nangangarap magkaron ng music video
pero hindi parin nagkakatotoo

Tunay na hindi ko sila malilimutan
ang mga makabuluhang kwentuhan
malalakas na tawanan..
at mga nakakaihi na takutan

Tunay silang mga kaibigan
matatakbuhan sa oras ng pangangailangan
hindi nangiindyan, hindi nangiiwan
pero laging late tuwing gimikan

Wala ng mas sasaya pa
sa mga araw na kasama ko sila
kung pwede lang sana
lagi nalang kaming sama-sama

bukod sa aking pamilya
KAIBIGAN LANG PALA
ang tunay na magbibigay ligaya.





Linggo, Nobyembre 4, 2012

COOL o coolang sa pansin.

Wala akong pinatatamaan at wala rin akong kagalit. Kaya hindi ko na kasalanan kung tamaan ka, o yung kapitbahay mong kalbo. Sabi nga nila, bato-bato sa langit tamaan, masakit. Di ko alam kung cool nga ba talaga ang mga taong ganito:

1. Bago kumain. Instagram ang atupagin. - walang masama kunan ng litrato ang pagkain sa mesa. Pero grabe naman! Iniisip mo bang pumoposing sila? Kaya tama na yung isa lang o dalawang pic.

2. " Palike po nito *link ng dp sa Facebook* Thank you! :) " - ano cool ka na dahil maraming likes ang picture mo? Hindi! Hindi mo nga kilala yung ibang naglike e. Buti pa yung iba, nakakakuha ng likes nang walang pinipilit. Pero bilib rin ako sayo a. Masipag. Malapit na eleksyon baka gusto mo tulungan magkampanya si mayor.

3. Nakasando, hindi naman Macho! - hindi rin naman masama magsando, at hindi dahil mataba ako kaya ayaw ko 'to. Hindi ko rin sinasabi, kung may mala-Aljur Abrenica abs ka, dun ka lang magsando. Magdamit ka lang ng maayos at yung tama sa lugar. Kaya hindi lang para sa lalaki ito. Kung nahihirapan, pwede rin magpatulong kay Mr. Rajo Laurel?

4. Ang daming alam. Daig si Google. - hindi sa nagmamagaling ako, pero may mga tao talagang ganito. Ang ikwe-kwento mo ay alam na niya, kaya sisingit siya at siya na lang ang magsasalita. Ang itatanong mo sa iba, siya na rin ang sasagot. Hindi naman masamang makinig.

5. Masakit sa tenga, hindi lang sa ilong. - nakakaintindi rin kami ng Ingles, pero para mapadali ang usapan mag-tagalog ka na! May mga magagaling talaga magsalita, at may mga nagmamagaling din.

6. Buhay mo, buhay ko na rin. - kung mag-groupmessage sa phone, nobela. Ang break-up with boyfie/girlie nakapost sa fb. Family problems ipost din. Kakain, iinom, maliligo, hihinga, uutot, matutulog, mangungulangot itweet sa twitter. Wow, artista ka na! Pero minsan astig rin 'to.

7. Mayaman sa kayabangan. -pati bagong aso ng kapitbahay ng ninong ng tita ng katulong niyo, ipagmamalaki mo? Pero manghihingi ka ng mangga sa puno ng hindi mo kakilala.

8. Mabait kapag nakapikit. -alam niyo na yan.

9. Pogi, weh di nga? - naniniwala ba kayong pogi si Tius? Sa kanya niyo nalang sabihin.

10. Feeling magaling mag-blog. - yung may nalalaman pang Cool o coolang sa pansin na mga post. Hindi naman magaling! Parang baliw lang, kala mo kung sino magsalita, ang taba naman. Sarap patayin no?

Kaya gayahin na lang natin siya. Click to watch.

Linggo, Abril 29, 2012

Ang Prinsesa at ang Palaka

Akala mo siguro ito'y isang kwento.
Nagkakamali ka, ito'y isang tula.
Tulang paborito ng mga engkanto.
Kaya mamaya, ika'y mamumutla.

Sa isang palasyo, may isang prinsesa.
Syempre, saan mo ba siya gustong makita?
Sa isang gubat, may isang palaka.
Syempre, ano ang iyong inaakala?

Pangarap ni palaka, na maging ganap na tao.
Upang makaramdam ng pagmamahal.
Dahil ang lagi niyang kasama, mga insekto.
Kaya humingi siya ng hiling sa Maykapal.

"Gusto ko, sana maging isang ganap na tao!"
"Bigyan mo ko ng rason para ika'y pagbigyan."
"Gusto ko maranasan magmahal dito sa mundo!"
"Sige, ngunit tatagal lang ito ng isang buwan."

At naging ganap na tao na nga si palaka.
Ngunit, amoy ilog parin kaya naligo muna.
Pagkatapos maligo, syempre nagdamit.
Pero hindi parin mawala ang amoy anghit.

Halata sa mukha ni palaka ang kaligayahan.
Kaligayahan na hindi niya kailanman
Naramdaman sa lumang kaanyuan.
Kaya ngiti niya, hanggang sa kalangitan.

At siya ay nakinig sa mga tsismisan.
Ang prinsesa ng kaharian ang pinaguusapan.
Siya raw, ay puno ng kagandahan.
At hindi pa napapasagot ng mga kalalakihan.

Ginanahan si Palaka, na manligaw.
Kaya nagmadali pumunta sa kaharian.
Kahit hindi alam ang daan, handang maligaw.
Umaasa na sila ay magkakatuluyan.

Sa kasawiang palad, nadapa ang palaka.
Ayun, laki ng sugat sa mukha.
Nawalan ng pag-asa na mapapasagot ang prinsesa.
Dahil sa pagmumukha na kay lansa-lansa.

Kaya nagpasya na magpagaling muna.
Ng sugat sa mukha na nagnanana.
Pagkalipas ng dalawampu't siyam na araw,
Ang sugat ay nawala, lumisan at pumanaw.

Ngunit maikling panahon nalang ang natira.
Para manalo at makahabol man lang sa karera.
Karerang mapasagot ang prinsesa,
At mahalin ang isa't isa.

At sa wakas, narating niya na ang Palasyo.
Ngunit ang haba ng pila ng mga nanunuyo.
Kaya nagisip siya ng plano,
Upang ang mga kaagaw, ay mauto.

"Si Christine Reyes, andoon sa labas!"
Malaki ang palasyo, ito ay nag-echo hanggang sa taas.
Nagulat ang lahat ng kalalakihan.
At sa isang iglap, lahat sila ay nagsilabasan.

Nagmadaling umakyat si Palaka.
Dahil tatlong minuto nalang ang natitira.
Napuntahan niya na ang kwarto ng prinsesa.
At pag bukas ng pinto, sila'y nagkita.

Tumigil ang oras, at ang pagtakbo ng hangin.
Sila ay nagtititigan, at ito'y may ibig sabihin.
Love at first sight, ata ang pinararating.
Kaya, mukha na silang mga praning.

"Ano ang iyong pangalan, ginoo?"
"Ako si Palaka, aking prinsesa."
"At bakit, katawa-tawa naman ang iyong pangalan?"
"Dahil, ako ay isang tunay na palaka, aking kamahalan."

Hindi alam ng prinsesa ang kanyang gagawin.
Dahil, hindi makapaniwala sa mga narinig.
Biglang pumasok sa silid, ang malakas na hangin.
At sa nasilayan ng prinsesa, siya ay napatindig!

Naging palaka nga, ang magiting na lalake.
"Bakit ka nagpalit ng anyo, bakit!?"
"Kokak, kokak, kokak!!"
At hindi sila nagkaintindihan, kay saklap.

Si Bathala ay naawa, sa palaka.
Kaya, nagpasya siyang gawing tao muli ito.
Hindi lamang panandalian.
Pang habangbuhay pa niya ito mararanasan.

Biglang naging tao muli ang palaka.
"Ako'y nagbalik, para sa iyo, aking prinsesa"
"Maraming salamat, ikaw ang matagal ko nang hinihintay"
At sila ay nagyakapan hanggang magbukang-liwayway.

Sila ay nagkatuluyan, at nagmahalan.
Gaya ng ibang kwento, masaya ang katapusan.
Natalo ang mga kaagaw o mga kalaban.
Laging pabor sa bida, ang mga eksena.

Lesson: Walang imposible, kahit ano pa ang anyo mo!
PS - Oy, ibang-iba naman to sa princess and the frog no! Che.
     - Inspirasyon ko nga pala si Dan Fugrad dito.
      http://ieatdalandan.blogspot.com/

(yakapan lang yung ending, para hindi tayo ma-rated spg)

Miyerkules, Abril 25, 2012

Buhay Hayskul.

Syempre, kaya ako nagpost ng tungkol sa high school life kasi gradweyt na ako.

Sabi nila, ito ang pinakamasaya. Dito mo makikilala ang mga tunay mong mga kaibigan, makikita ang tunay mong kakayahan at malalaman ang iyong mga kahinaan.

Nung first year palang ako, tinamad na ko mag-aral. Ayaw ko ng sagutan ang mga quiz na bigay ng math teacher ko, ayaw ko ng intindihin ang mga problem solving sa science at ayaw ko na magbasa ng libro para sa book report sa english. Kaya pinangarap ko noon na, "Sana grumadweyt na ako ng high school, ayaw ko ng mag-aral nakakatamad na."

Aminado naman ako, hindi talaga ako pala-aral na tao, kaya siguro tinamad ako noon. Kaya tuwing uwian, diretso computer shop para mag-DOTA nang hindi nagpapaalam sa mga magulang, ayun na-spotan. Grounded. Sa sobrang katamaran o sa kabobohan? Halos dalawang subject nalang ang line of 8 ko, nung 3rd trim.

Nung second year, medyo nagkakulay ang buhay hayskul ko. Nagkaron ako ng matalik na kaibigan, at itatago ko siya pangalang "jeep". Kung Stellan ka, kilala mo siguro siya. Halos araw-araw kaming gumagala sa Cubao, kain dito, c.r. doon. Dota dito, tambay doon. Away dito, bati doon. Nagkaroon rin ako ng lovelife, pero wag na pag-usapan. Pero, tamad parin ako na pag-aaral nitong taon na 'to.

Third year naman. Para sa akin, dito ko na naramdaman, naranasan ang buhay hayskul na napakasaya at napakakulay. Nagkaroon ng iba pang matatalik na kaibigan, at nagawang makalimutan si "jeep". Dito naging masaya ako na mayroon akong kaibigan na hindi lang sa pagdodota makakasama. Nagkaroon na ako ng lakas.  Wow, lakas. Na mag-aral, at magseryoso. onti lang, sa pag-aaral. Natuwa ako, dahil mula sa dalawang line of 8 ko noon. Wala na akong line of 7 ngayon.

Fourth year. Dito na nagsisulputan ang mga kadramahan na mga ka-iskwela. Huling taon, huling pagsasaya, huling pagsasamasama bilang mag-aaral ng hayskul. Dito ko narin naisip na mali pala ako noon. Hindi ko dapat minadali ang buhay ko nitong hayskul. Nag-aral na rin naman ako ng mabuti rito no! DLP na e, pagbigyan.

At ngayon, babawiin ko na ang pinangarap ko noon, "Sana, mas matagal pa ang hayskul". Para makasama pa ang mga kaibigan. Mga guro. Mga puno. Mga silyang nauubusan na ng pinturo sa kakakutkot ko. Para makasama pa ang Canteen na nagbebenta ng spaghetti na ang sauce, ketchup. Para masigawan pa ni Manang Guard. Para mag-ingay pa, at ibahin ang version at style ng pagkanta ng mga kanta sa flagceremony. Para mas marami pa akong mailalagay dito, na masasayang alaala...

Pero ganun talaga, may katapusan ang lahat. Kaya tatapusin ko narin itong post na to, sa hayskul life ko na napaka-boring, napaka-korni at napaka-walangkwenta. End.

(pagpasensyahan niyo na yung pic. yan yung unang nakita ko nung nag-search ako sa google ng "highschool" sa images e. okay na yan, nanood ka rin naman nyan kahit papano, siguro.)

Biyernes, Enero 27, 2012

Lovers In Maris

Dahil malapit-lapit narin ang Valentine's o araw ng mga puso.

Pero wala talagang kinalaman ang Valentine's sa post na ito, gusto ko lang talaga pag-usapan ang mga nagmamahalan sa paaralan ko, wala na akong paki kung nagmamahalan ba talaga sila o naglolokohan.

Para akong nanunuod ng Love Story tuwing nakakakita ako ng mga "lovers" doon sa S*C.
Pero walang background music, walang kissing (wala nga ba?), walang nakakakilig quotes na naririnig.
Pano ko nasabing parang love story? Makikita mo naman kasi na gusto nila ang isa't-isa. Ang Sweet kayaaaa! Minsan kainggit.

Pero minsan di ko rin makita bakit nagustuhan ng isa yung isa. Parang totoo nga ang "love is blind".

Nakakakita rin ako ng mga malulupit na tambalan.

Merong, BAGAY TALAGA. Merong, Di mo alam kung nagmamahalan talaga. Syempre merong mga simple lang, pero sweet. Merong Boy ♥ Girl, Girl ♥ Girl. Di pako nakakakita ng Boy ♥ Boy, sana di talaga ako makakita.

Parang mga kabute sila e, bigla nalang nagsulputan. O, sadyang huli lang talaga ko sa balita.
Di ako tutol sa pagmamahalan nyo, bahala kayo magsuyuan sa ilalim ng mga puno.

Mag-ingat lang kayo, bumalik na siyaaaaaa!! Baka si Sir, tutol.

Happy Valentine's Day.


3002197536_e125dfe292_z.jpg